‘Ni isang piso, walang dumaan sa AFP’ — Gen. Brawner
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-31 23:49:35
MANILA — Nilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. na walang katotohanan ang mga alegasyon hinggil sa umano’y “ghost projects” sa loob ng AFP. Ayon sa kanya, ni isang piso ay hindi dumadaan sa pondo ng AFP para sa mga proyektong pinapatupad sa ilalim ng TIKAS Program o Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Gen. Brawner na ang naturang programa ay isang kolaborasyon sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Department of Public Works and Highways (DPWH). Tungkulin lamang ng AFP ang pagtukoy ng mga lugar o pasilidad na kailangang ayusin o itayo, samantalang ang DPWH ang may responsibilidad sa pagpaplano, pagpopondo, at pagpapatupad ng mga proyekto.
“Ni isang piso, walang dumaan sa AFP,” mariing pahayag ni Brawner, bilang tugon sa mga ulat na nagsasabing may mga hindi natapos o kuwestiyonableng proyekto na umano’y pinondohan sa ilalim ng TIKAS Program.
Dagdag pa ni Brawner, nananatiling transparent at accountable ang AFP sa lahat ng kanilang gawain, at handa silang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon upang patunayan ang kanilang integridad. Tiniyak din ng AFP Chief na patuloy silang tutulong sa mga programang pang-imprastraktura na makatutulong sa kapayapaan at seguridad ng bansa. (Larawan: Romeo S. Brawner Jr. / Google)
