Diskurso PH
Translate the website into your language:

Spam, oreo, at iba pa sosyal na ayuda ipinamigay sa mga biktima ng lindol sa Bogo City, Cebu

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-06 23:01:13 Spam, oreo, at iba pa sosyal na ayuda ipinamigay sa mga biktima ng lindol sa Bogo City, Cebu

BOGO CITY, CEBU — Hindi karaniwang relief goods ang natanggap ng mga residente ng Barangay Polambato matapos ipamahagi ng lokal na pamahalaan ang mga branded at imported na grocery items bilang tulong sa mga naapektuhan ng nagdaang lindol.


Kabilang sa mga ipinamahaging ayuda ang mga kilalang produkto tulad ng Spam canned meatloaf, Oreo cookies, dried mangoes, danggit, at infant formula, na agad umani ng papuri at kasiyahan mula sa mga tumanggap.


Ayon kay Mayor Mayel Martinez, layon ng pamahalaan ng Bogo City na maipadama sa mga mamamayan ang malasakit ng lokal na pamahalaan hindi lamang sa dami, kundi pati sa kalidad ng tulong na ibinibigay.


“Shala kaayo ang ayuda diri sa Polambato Purok Ginsa,” biro ng alkalde sa kanyang social media post na sinamahan ng mga larawan ng pamamahagi ng ayuda. Agad namang naging viral ang naturang post dahil sa kakaibang laman ng relief packs na itinuturing ng ilan bilang “sosyal na ayuda.”


Bukod sa mga branded na pagkain, nakatanggap din umano ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, tubig, at hygiene kits ang mga residente na pansamantalang nananatili sa mga evacuation centers.


Ang Barangay Polambato ay isa sa mga lugar sa Bogo City na tinamaan ng malakas na pagyanig na yumanig sa Cebu kamakailan, kung saan ilang kabahayan at establisimyento ang napinsala. Patuloy namang nagsasagawa ng relief operations at assessment ang lokal na pamahalaan upang matukoy ang lawak ng pinsala at ang mga karagdagang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.


Ayon pa kay Mayor Martinez, patuloy ang koordinasyon ng lungsod sa iba’t ibang ahensya at pribadong sektor upang matiyak na walang maiiwan sa proseso ng rehabilitasyon at pagbangon ng mga komunidad.


“Ang mahalaga ay maramdaman ng ating mga kababayan na hindi sila nag-iisa. Hangga’t kaya natin, ibibigay natin ang nararapat na tulong,” pahayag ng alkalde.


Larawan mula kay Mayor Mayel Martinez