Tingnan: Tayabas City, ipinagdiwang ang ‘Indigenous Peoples Month at IPRA Commemoration’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-06 22:54:59
TAYABAS CITY — Ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Tayabas ang Philippine Indigenous Peoples Month 2025 at IPRA Commemoration sa pamamagitan ng serye ng mga aktibidad nitong Lunes, October 6, 2025, bilang pagkilala sa mayamang kultura at karapatan ng mga katutubong mamamayan.
Naging panauhing pandangal sa programa si NCIP OIC Fil Vincent Garcia, na nagbahagi ng maikling mensahe hinggil sa kahalagahan ng pagdiriwang at sa mahalagang papel ng lokal na pamahalaan sa patuloy na pagsuporta at pagbibigay ng pagkilala sa mga Indigenous Peoples (IPs).
Pinangunahan naman ni Mayor Piwa Lim ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng isang mensaheng puno ng pagtanggap at pasasalamat sa mga panauhin mula sa komunidad ng IPs sa Barangay Tongko. Ibinahagi ng alkalde ang kahalagahan ng pagkakaisa, paggalang sa kultura, at pagpapatuloy ng mga programang nagtataguyod ng karapatan at kabuhayan ng mga katutubong grupo sa lungsod.
Kasunod ng programa sa Atrium ay isinagawa ang motorcade na umikot sa poblacion ng Tayabas, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa CSWDO, CDRRMO, City Traffic Operation Office, City Tourism Office, at Tayabas Culture and the Arts Office bilang pakikiisa sa selebrasyon.
Samantala, nakatakda namang ganapin ang Indigenous Peoples Games para sa Ayta Community sa Sulungang Bayan ng Tayabas sa darating na October 19, 2025.
Layunin ng pagdiriwang na palakasin ang pagkilala at pagpapahalaga sa mga katutubong komunidad, gayundin ang pagtitiyak na mananatiling buhay ang kanilang kultura, tradisyon, at karapatan bilang mahalagang bahagi ng lipunang Pilipino. (Larawan: Tayabas City CICRO - City Information and Community Relations Office / Facebook)