Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Bohol, nagbigay ng ₱5-milyong tulong sa Cebu para sa mga biktima ng lindol

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-07 00:42:31 Tingnan: Bohol, nagbigay ng ₱5-milyong tulong sa Cebu para sa mga biktima ng lindol

CEBU — Personal na iniabot ni Bohol Governor Erico Aristotle Aumentado ang ₱5 milyong pisong tulong pinansyal kay Cebu Governor Pamela Baricuatro nitong Oktubre 6, bilang suporta sa relief at recovery operations para sa mga nasalanta ng magnitude 6.9 na lindol sa hilagang bahagi ng Cebu.

Ayon kay Gov. Aumentado, ang tulong ay simbolo ng pagbabalik ng kabutihan na ipinakita ng mga taga-Cebu noong 2013 Bohol earthquake, kung saan agad ding nagpaabot ng tulong ang Cebu sa kanilang lalawigan.

“Ito ay paraan namin ng pagbabalik ng kabutihan at pagkakaibigan. Sa panahon ng sakuna, walang lalawigan—iisa lang tayong mga Bisaya,” pahayag ni Aumentado.

Lubos namang nagpasalamat si Gov. Baricuatro, na nagsabing si Aumentado ang unang opisyal sa labas ng Cebu na agad na nakipag-ugnayan matapos ang lindol.

Bukod sa tulong pinansyal, nagpadala rin ang Lalawigan ng Bohol ng medical at disaster response teams isang araw matapos ang trahedya upang tumulong sa mga operasyon ng search, rescue, at relief distribution.

Ang pagkilos na ito ay higit pang nagpatibay sa ugnayan ng dalawang lalawigan, na kasalukuyang gumagawa ng mga hakbang tungo sa pormal na sisterhood agreement — isang patunay ng solidaridad at malasakit ng mga Boholano at Cebuano sa isa’t isa sa panahon ng pangangailangan. (Larawan: Cebu Province / Facebook)