Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Ibasura ang 12% VAT’ — Congressman Kiko Barzaga

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-07 00:22:10 ‘Ibasura ang 12% VAT’ — Congressman Kiko Barzaga

MANILA — Isang “radikal” na reporma sa sistemang buwis ang isinusulong ni Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, sa pamamagitan ng panukalang tuluyang pagbabasura sa 12% Value Added Tax (VAT) sa lahat ng bilihin at serbisyo sa bansa.

Ayon kay Barzaga, ang kasalukuyang VAT system ay hindi patas dahil pantay na pinapasan ng mahihirap at mayayaman, aniya’y isang “regresibong buwis” na nagpapahirap lalo sa mga karaniwang mamamayan.

“Ang Value Added Tax ay pinapasan hindi lang ng mga mayayaman kundi pati ng mga mahihirap, walang tirahan at walang trabaho,” pahayag ng kongresista.

Ipinunto pa ni Barzaga na dahil sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, nawawala ang kakayahan ng mga Pilipino—lalo na ng poor at middle class—na mamili nang may dignidad at makapamuhay nang marangal.

“Kaya ako ay maghahain ng panukalang batas para tuluyang buwagin ang Value Added Tax system at bigyan ng kalayaang pinansyal ang ating mahihirap at middle class,” dagdag niya.

Sa ilalim ng kanyang panukala, papalitan umano ang VAT ng mas progresibo at makatarungang sistema ng buwis na magpapanatili ng kita ng gobyerno ngunit hindi magpapahirap sa publiko.

“Alam kong tila radikal ito para sa ilan kong kasamahan sa Kongreso,” ani Barzaga. “Ngunit kung nais nating ibalik ang gobyerno sa panig ng mamamayang Pilipino — panahon na para sa radikal na pagbabago.”

Kung maisusulong, ang panukalang ito ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa estruktura ng buwis sa Pilipinas, na kasalukuyang umaasa nang malaki sa VAT bilang pangunahing pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan. (Larawan: Kiko Barzaga / Facebook)