‘Tantanan n’yo ako, ‘di ako tatakbo sa 2031’ — Sen. Ping Lacson bumuwelta sa mga kritiko
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-07 00:32:09
MANILA — Pormal nang nagbitiw si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee, matapos isumite ang kanyang resignation letter kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Lunes, Oktubre 6.
Sa kanyang liham, inihayag ni Lacson ang pagkadismaya sa ilang kasamahan sa Senado na umano’y hindi sumasang-ayon sa direksiyong tinatahak ng Blue Ribbon Committee sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa multi-bilyong pisong flood control project anomalies ng gobyerno.
Ayon kay Lacson, may mga maling impormasyon at paninira na kumakalat, na nagpapalabas umano na idinidiin niya sa isyu ang ilang senador habang pinoprotektahan ang mga miyembro ng Kamara na itinuturong sangkot sa mga anomalya sa badyet.
“Nothing could be further from the truth. This narrative is categorically false,” diin ni Lacson sa kanyang liham kay Sotto.
“These misrepresentations are being floated mostly by critics opposed to our efforts to get to the bottom of the flood control anomalies,” dagdag pa niya.
Matapos ang kanyang pagbibitiw, nanawagan si Lacson sa kanyang mga kritiko na itigil na ang mga haka-haka tungkol sa kanyang mga motibo, iginiit niyang wala siyang balak tumakbo sa anumang posisyon sa 2031.
“Tantanan n’yo ako. Hindi ako tatakbo sa 2031,” pahayag ni Lacson, na dating hepe ng Philippine National Police (PNP) bago pumasok sa pulitika.
Ang pagbibitiw ni Lacson ay nagdulot ng sari-saring reaksiyon sa loob ng Senado, lalo na’t ang Blue Ribbon Committee ay isa sa mga pinakamakapangyarihang komite na nangunguna sa mga imbestigasyong kaugnay ng katiwalian at paggamit ng pondo ng bayan. (Larawan: Senate of the Ph / Facebook)