P6.7T 2026 budget, walang ‘pork’ ayon sa House; oposisyon, hindi kumbinsido
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-21 14:21:23
OKTUBRE 21, 2025 — Sa kabila ng katiyakan mula sa liderato ng House of Representatives na walang pork barrel sa panukalang P6.793-trilyong national budget para sa 2026, nananatiling kritikal ang ilang progresibong mambabatas sa umano’y “bagong anyo” ng pork na nakapaloob pa rin sa alokasyon.
Sa isang press conference, iginiit ni House Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Angela Suansing na walang discretionary o lump sum funds sa budget na maaaring gamitin ng mga mambabatas sa labas ng proseso ng batas.
“Sinisigurado po natin na wala pong pork barrel funds sa budget para sa taong 2026,” ani Suansing.
Paliwanag niya, ang mga programang kadalasang inuugnay sa pork gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ay direktang ipatutupad ng mga ahensyang nakatalaga rito — DSWD, DOH, at DOLE.
“Kapag na-aprubahan na po ang budget, ang budget po para sa mga programa na ito ay napupunta sa mga kanya-kanyang mga ahensya ... Nasa discretion po ng ahensya kung paano po i-didisburse,” dagdag ni Suansing.
Binanggit din ni Suansing na detalyado ang bawat item sa budget, kabilang ang P243 bilyong unprogrammed funds na tanging magagamit kung may sobrang koleksyon ng kita o may aprubadong utang.
Ilan sa mga nakalistang alokasyon ay:
- P21 bilyon para sa National Health Insurance Program subsidy
- P7.87 bilyon para sa feeding program, textbooks, at pasilidad ng DepEd
- P6.6 bilyon para sa AICS ng DSWD
- P2 bilyon para sa grant mechanism ng SUCs sa ilalim ng CHED
- P3.33 bilyon para sa bayad sa SSS loan
- P2.35 bilyon para sa scholarship ng Child Development Workers sa ilalim ng DOLE-TESDA
- P450 milyon para sa conversion ng dating US Air Force Hospital sa Clark bilang National Museum
Ngunit para sa Makabayan bloc, hindi sapat ang paliwanag ni Suansing. Ayon kina Antonio Tinio (ACT Teachers), Sarah Elago (Gabriela), at Renee Co (Kabataan), nananatili ang pork barrel sa anyo ng alokasyon sa bawat distrito at partylist, pati na sa presidential pork sa unprogrammed appropriations at confidential and intelligence funds (CIF).
“Pakitang-tao lang yan. The pork barrel insertions and bloated unprogrammed Appropriations remains intact and is not likely to be dismantled when it goes through the Senate and on to the bicam,” giit ng grupo.
(Nanatili ang mga pork barrel insertions at pinalobong unprogrammed appropriations at malamang ay hindi mabubura sa Senado at bicam.)
Dagdag pa nila, ang livestreaming ng budget proceedings ay hindi garantiya ng transparency.
“Livestreaming the bicam would be like broadcasting a wrestling match that everyone knows is rigged,” ani Co.
(Parang nagla-livestream ng wrestling match na alam naman ng lahat na scripted.)
Ipinaliwanag din ng Makabayan na ang dating lump sum PDAF na idineklara ng Korte Suprema bilang unconstitutional noong 2013 ay napalitan na ng sistemang “equal allocation” sa bawat distrito.
“The system of ‘allocations’ is the reason why lawmakers are entitled to nominate projects and can ‘choose’ contractors and receive kickbacks,” saad nila.
(Ang sistemang ito ng alokasyon ang dahilan kung bakit may kapangyarihan ang mga mambabatas na mag-nomina ng proyekto, pumili ng kontratista, at tumanggap ng kickback.)
Tugon naman ni Suansing, hindi dapat agad ipagpalagay na ang mga proyekto sa distrito ay galing sa mga kongresista.
“Kapag tiningnan niyo po ang HGAB, ang proponent would be the District Engineering Office [of DPWH]. Which proponent are we looking for here?” tanong niya.
Sa kabila ng mga pagtutol, nanindigan si Suansing na walang nakatagong pondo sa 2026 budget.
“Wala pong mga nakatago na pondo, wala pong mga nakatago o mga nakabaon na mga programa,” giit niya.
Sa ngayon, nakasalalay sa Senado at bicameral conference committee ang susunod na hakbang sa pag-apruba ng budget.
(Larawan: House of Representatives of the Philippines | Facebook)