Lalaking pasahero sinaksak, napatay sa loob ng pampasaherong bus sa Talavera
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-26 13:10:56
OKTUBRE 26, 2025 — Isang lalaki ang nasawi matapos saksakin ng kapwa pasahero sa loob ng Genesis bus habang nakahinto ito sa bahagi ng Barangay Pinagpanaan, Talavera, Nueva Ecija noong gabi ng Oktubre 25.
Ayon sa mga saksi, galing ang bus sa Baler, Aurora at pansamantalang huminto malapit sa tulay upang magbaba ng kargamento. Habang binubuksan ng konduktor ang ilalim ng bus, biglang nagkagulo sa loob. Naglabasan ang mga pasahero sa takot.
“Sinabi ng driver sa akin na may sinaksak sa loob. Hindi ko akalain, kasi tahimik lang ‘yung dalawang lalaki buong biyahe,” pahayag ng konduktor.
Walang palitan ng salita ang biktima at suspek mula simula ng biyahe, ayon din sa ilang pasahero. Ngunit napansin umano ng ilan na tila may kakaibang kilos ang suspek — parang may kinakausap kahit mag-isa.
“Parang may sinasabi siya sa sarili niya. Hindi siya normal kumilos,” sabi ng isang saksi.
Matapos ang insidente, hindi tumakas ang suspek. Sa halip, naglakad-lakad lang ito sa paligid ng bus hanggang sa dumating ang mga pulis. Agad siyang inaresto malapit sa tulay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen. Hindi pa rin pinapangalanan ang biktima at suspek habang hinihintay ang pormal na ulat mula sa pulisya.
Nagdulot ng takot at pangamba sa mga pasahero ang insidente, lalo’t nangyari ito sa loob mismo ng pampublikong sasakyan. Wala pang pahayag ang pamunuan ng Genesis Bus hinggil sa insidente.
Inaasahang maglalabas ng karagdagang detalye ang mga awtoridad sa mga susunod na araw.
(Larawan: Wikimedia Commons)
