Diskurso PH
Translate the website into your language:

Palasyo, tumanggi sa mungkahi ni Cayetano na isama ang oposisyon sa ICI panel

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-26 14:38:10 Palasyo, tumanggi sa mungkahi ni Cayetano na isama ang oposisyon sa ICI panel

OKTUBRE 26, 2025 — Hindi na kailangan pang magtalaga ng miyembro mula sa oposisyon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), ayon sa Malacañang, sa kabila ng mungkahi ni Senador Allan Peter Cayetano na isama ang mga kritiko ng administrasyon sa komisyon.

Sa panayam ng media nitong Sabado, iginiit ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang mga kasapi ng ICI ay hindi konektado sa pamahalaan at may sapat na kredibilidad para gampanan ang tungkulin.

“Halos lahat ng tatlo opposition yung mga yun. Independent sila, they were chosen because of that quality of independence,” ani Bersamin. 

Dagdag pa niya, hindi kailangang lagyan ng label ang mga miyembro bilang “opposition” para lang masabing may balanse. 

“I don’t think it is necessary to brand one of the members or two of the members as coming from the opposition. They are really independent, hindi namin kayang impluwensyahan ang mga yan,” aniya. 

(Sa tingin ko, hindi kailangan pang tawaging opposition ang isa o dalawa sa mga miyembro. Talagang independent sila, hindi namin kayang impluwensyahan ang mga yan.)

Ang ICI ay binubuo nina dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes, dating DPWH Secretary Rogelio Singson, at SGV & Co. Country Managing Partner Rossana Fajardo. Lahat ay may background sa pamahalaan ngunit hindi aktibong politiko.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sinadya niyang huwag magtalaga ng politiko sa komisyon, at mas pinili raw niya ang mga abogado at imbestigador.

Mandato ng ICI ang magsiyasat sa mga iregularidad sa flood control at iba pang infrastructure projects sa nakalipas na dekada.

(Larawan: YouTube)