Marcos Jr., nasa Malaysia para sa serye ng ASEAN talks; interes ng Pinas, isusulong
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-26 13:55:44
OKTUBRE 26, 2025 — Nasa Malaysia na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa 47th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong na gaganapin mula Oktubre 26 hanggang 28. Kasama niya sa biyahe ang ilang miyembro ng gabinete kabilang sina Trade Secretary Cristina Roque at Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, pati na ang Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Lumipad ang presidential aircraft PR001 mula Villamor Airbase sa Pasay bandang 11:28 a.m. nitong Sabado, Oktubre 25, at lumapag sa Kuala Lumpur International Airport dakong 2:50 p.m.
Sa kanyang talumpati bago bumiyahe, binigyang-diin ni Marcos Jr. ang layunin ng Pilipinas na palakasin ang ugnayan sa rehiyon sa gitna ng mga hamon sa seguridad, ekonomiya, at klima.
"At this Summit, I will join fellow ASEAN Leaders in reaffirming our commitment to ASEAN Centrality as we navigate pressing regional and global challenges, including developments in the South China Sea, the situation in Myanmar, threats to regional peace and maritime security, as well as the far-reaching impacts of climate change, economic volatility, and transnational crime," aniya.
(Sa Summit na ito, makikiisa ako sa mga kapwa lider ng ASEAN sa muling pagtitiyak ng aming paninindigan sa sentral na papel ng ASEAN habang tinutugunan ang mga hamon sa rehiyon at mundo, kabilang ang mga kaganapan sa South China Sea, sitwasyon sa Myanmar, banta sa kapayapaan at seguridad sa dagat, pati na ang malawakang epekto ng pagbabago ng klima, pabagu-bagong ekonomiya, at krimen na tumatawid sa mga bansa.)
Dagdag pa ng pangulo, isusulong niya ang mga paninindigan ng bansa sa bukas at makatarungang pandaigdigang kaayusan, gayundin ang mapayapang resolusyon sa mga sigalot batay sa batas internasyonal.
Sa unang araw ng summit nitong Linggo, Oktubre 26, pinangunahan ni Marcos Jr. ang pagpirma sa deklarasyon ng pagpasok ng Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng ASEAN. Kasunod nito, nakipagpulong siya kay Canadian Prime Minister Mark Carney at Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, nakatakdang dumalo si Marcos Jr. sa hindi bababa sa 14 na high-level meetings at tatlong pormal na seremonya. Kabilang dito ang Handover Ceremony para sa ikalawang pagbabago sa ASEAN Trade in Goods Agreement (ATIGA).
"In all these engagements, the President will advance Philippine interests in ASEAN by strengthening security and stability, by enhancing economic cooperation and broadening engagement with dialogue partners," pahayag ni DFA spokesperson Angelica Escalona.
(Sa lahat ng mga pakikipag-ugnayan na ito, isusulong ng Pangulo ang interes ng Pilipinas sa ASEAN sa pamamagitan ng pagpapalakas ng seguridad at katatagan, pagpapalawak ng kooperasyong pang-ekonomiya, at mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga katuwang sa diyalogo.)
Bukod sa bilateral talks, dadalo rin si Marcos Jr. sa mga kaugnay na summit gaya ng ASEAN-Japan Summit, ASEAN-India Summit, ASEAN-US Summit, at Asia Zero-Emission Community Leaders’ Meeting.
Sa pagtatapos ng summit sa Oktubre 28, inaasahang tatanggapin ng Pilipinas ang chairship ng ASEAN para sa susunod na taon, isang papel na magbibigay sa bansa ng mas malaking impluwensiya sa direksyon ng rehiyon.
Sa panig ng Pilipinas, binigyang-diin ni Marcos Jr. ang mga reporma sa burukrasya bilang bahagi ng pagpapalakas ng bansa sa loob ng ASEAN.
"Thus, we are strengthening our bureaucracy, making it more responsive, accountable, and transparent in serving Filipino people," aniya.
(Kaya’t pinatitibay natin ang ating burukrasya upang ito’y maging mas tumutugon, may pananagutan, at bukas sa paglilingkod sa mga Pilipino.)
Sa kabuuan, layunin ng pagdalo ni Marcos Jr. sa summit na palalimin ang kooperasyon sa rehiyon, itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipino, at tiyakin ang aktibong papel ng bansa sa mga usaping pandaigdig.
(Larawan: Presidential Communications Office)
