Taas-singil sa CAVITEX, sisipa sa Okt. 28; PUVs, makikinabang sa 90-araw palugit
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-26 10:03:35
OKTUBRE 26, 2025 — Simula Martes, Oktubre 28, tataas na ang singil sa toll ng Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), kasunod ng pag-apruba ng Toll Regulatory Board (TRB) sa mga petisyong isinampa noong 2020 at 2023 ng Cavitex Infrastructure Corp. (CIC) at Philippine Reclamation Authority (PRA).
Sa bagong matrix, ang toll sa R1 segment mula Seaside hanggang Zapote ay tataas ng ₱4 para sa Class 1, ₱8 para sa Class 2, at ₱13 para sa Class 3. Sa C5 Link Segment 2 (Sucat Interchange), ang bagong singil ay ₱38 (Class 1), ₱76 (Class 2), at ₱114 (Class 3).
Para naman sa R1 Extension Segment 4 (Zapote hanggang Kawit), ipatutupad ang dagdag-singil sa dalawang yugto. Sa unang tranche ngayong taon, madadagdagan ng ₱15 (Class 1), ₱30 (Class 2), at ₱45 (Class 3). Ang ikalawang tranche ay nakatakdang ipatupad sa 2026.
Ayon sa CAVITEX, ang dagdag-singil ay bahagi ng kasunduan sa pagitan ng gobyerno at mga pribadong operator upang pondohan ang patuloy na pagpapahusay ng pasilidad.
“We appreciate the government’s affirmation to honor its contractual obligations with the private investors and toll operators,” pahayag ng kumpanya.
(Pinahahalagahan namin ang pagtupad ng gobyerno sa mga kasunduan nito sa mga pribadong mamumuhunan at operator ng toll.)
Ang Public Estate Authority Tollways Corp. (PEATC), subsidiary ng PRA, ang nangangasiwa sa operasyon ng CAVITEX. May 10% na bahagi sa kita ng expressway ang PEATC, batay sa kasunduan nito sa CIC.
Kabilang sa mga natapos na proyekto ang pagpapalit ng expansion joints sa mga tulay ng Parañaque Segment at Imus Viaduct, pag-upgrade ng RFID system, at paglalagay ng Automatic License Plate Recognition (ALPR) technology. Kasalukuyan ding isinasagawa ang pavement rehabilitation sa mga kritikal na bahagi ng Kawit at Parañaque.
Bilang tugon sa epekto ng taas-singil, maglulunsad ang CAVITEX ng 90-araw na toll reprieve para sa mga rehistradong pampasaherong sasakyan at agricultural trucks. Sa panahong ito, mananatili ang dating toll rate para sa kanila.
“While the rate adjustments are necessary to ensure continued maintenance, safety, and improvement of the expressway, we also recognize the need to support sectors most affected by rising transport costs,” dagdag ng kumpanya.
(Bagaman kailangan ang taas-singil para sa pagpapanatili at pagpapabuti ng expressway, kinikilala rin namin ang pangangailangang tulungan ang mga sektor na labis na apektado ng tumataas na gastos sa transportasyon.)
(Larawan: CAVITEX)
