Remulla, sinibak ang 97 opisyal ng Ombudsman sa gitna ng malawak na balasahan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-26 11:21:01OKTUBRE 26, 2025 — Hindi na pinatagal pa ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pananatili ng 97 opisyal na itinalaga ng dating Ombudsman Samuel Martires sa huling dalawang buwan bago ito nagretiro. Sa inilabas na Office Order No. 347 noong Oktubre 22, inatasan ni Remulla ang mga opisyal na may Salary Grade 25 hanggang 29 na maghain ng kanilang courtesy resignation sa loob ng pitong araw.
Ang mga naturang opisyal ay naitalaga sa pagitan ng Mayo 29 at Hulyo 27, 2025 — ang petsa ng pagreretiro ni Martires. Bagama’t hindi obligado, hinikayat din ni Remulla ang mga empleyado na may Salary Grade 24 pababa na boluntaryong magbitiw sa puwesto.
Bago pa man ito, inanunsyo na ni Remulla ang plano niyang iparepaso ang 204 empleyado na na-hire noong Hulyo, ilang araw bago bumaba si Martires.
Ayon sa kanya, “They must reapply. Otherwise, they will be considered midnight appointees.”
(Kailangan nilang muling mag-apply. Kung hindi, ituturing silang midnight appointees.)
Simula nang maupo sa puwesto, sunod-sunod ang ginawang pagbabago ni Remulla sa mga patakaran ng dating Ombudsman. Isa sa mga unang hakbang niya ay ang pagbabalik ng access ng publiko sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) — isang bagay na isinara ni Martires sa publiko noong kanyang termino.
Nagpahiwatig din si Remulla ng posibilidad na ibalik ang 2016 dismissal order laban kay Senador Joel Villanueva kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo noong siya’y kinatawan ng CIBAC party-list. Ngunit umatras si Remulla matapos matuklasang pinawalang-bisa na pala ni Martires ang nasabing desisyon bago ito magretiro.
(Larawan: Wikipedia)
