Bato, 3 iba pang senador hindi sumipot sa unang araw ng bicam sa 2026 budget
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-13 18:48:19
DISYEMBRE 13, 2025 — Sa pagbubukas ng Bicameral Conference Committee para sa panukalang P6.793-trilyong pambansang badyet sa 2026, kapansin-pansin ang hindi pagdalo ng apat na senador, kabilang si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ngayong Sabado, Disyembre 13.
Si Dela Rosa, na nakatalaga bilang vice chair ng panel, ay awtomatikong bahagi ng delegasyon ng Senado sa bicam. Gayunman, hindi siya dumalo sa unang araw ng deliberasyon, gayundin sina Senadora Pia Cayetano, Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, at Senadora Camille Villar.
Bago magsimula ang pulong, ipinahayag ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang kanyang inaasahan na makadadalo si Dela Rosa sa mga susunod na talakayan.
“It is my deepest hope and prayer that through us, your conferees, each chamber will be able to fulfill its constitutional role,” ani Gatchalian.
(Lubos kong inaasahan at ipinagdarasal na sa pamamagitan namin, bilang mga kinatawan, magampanan ng bawat kapulungan ang kanilang konstitusyonal na tungkulin.)
Dagdag pa niya, “Hindi lamang upang mapanatili ang integridad ng sistema ng lehislatura. Kundi upang matiyak na sa pambansang budget na ito, ang kalooban at kapangyarihan ng sambayanang Pilipino ang mananaig.”
Samantala, dumalo sa unang araw ng bicam sina Gatchalian, Loren Legarda, Francis “Kiko” Pangilinan, at Erwin Tulfo mula sa mayorya; habang sina Christopher “Bong” Go at Imee Marcos naman ang kumatawan sa minorya.
Kauna-unahang pagkakataon ding isinapubliko sa pamamagitan ng livestream ang buong proseso ng bicam, na nagbigay sa publiko ng pagkakataong masaksihan kung paano pinagkakasundo ng Senado at Kamara ang kanilang bersyon ng General Appropriations Bill.
Layunin ng bicam na tapusin ang pagkakaiba ng dalawang kapulungan upang maipasa ang pinal na pambansang budget na magtatakda ng paggasta ng pamahalaan sa susunod na taon.
(Larawan: Philippine News Agency)
