Diskurso PH
Translate the website into your language:

Di-makatwirang cancellations ng TNVS drivers, may parusa na sa LTFRB

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-13 16:22:06 Di-makatwirang cancellations ng TNVS drivers, may parusa na sa LTFRB

DISYEMBRE 13, 2025 — Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga driver ng transport network vehicle service (TNVS) na paulit-ulit na nagkakansela ng booking nang walang sapat na dahilan. Sa inilabas na memorandum circular ng ahensya, malinaw na itinuturing na paglabag ang ganitong gawain at may katumbas na mabigat na parusa.

Ayon sa dokumentong nilagdaan ng LTFRB Board noong Disyembre 11, ang kanselasyon ng booking na kusang ginawa ng driver ay sakop ng “refusal to convey passengers.” Nakasaad ang mga sumusunod na multa at kaparusahan:

  • Unang paglabag: ₱5,000 na multa
  • Ikalawang paglabag: ₱10,000 na multa at 30 araw na pagkaka-impound ng sasakyan
  • Ikatlo at mga susunod na paglabag: ₱15,000 na multa at kanselasyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) ng unit

Binanggit ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na ang naturang hakbang ay tugon sa reklamo ng mga pasahero, lalo na ngayong panahon ng mabigat na trapiko at dagsa ng tao. 

“Matindi ang epekto ng biglaan at garapalang booking cancellation sa mga TNVS dahil ang pinag-uusapan dito ay kahalagahan ng oras ng mananakay na maaaring makompromiso ng ganitong modus,” ani Mendoza. 

Dagdag pa niya, “This is also a matter of safety and welfare of the passengers because it involves hope of convenience and all of a sudden, the booking is cancelled. What if it also involves emergency situations tapos bigla-bilang cancel ng walang dahilan?” 

Sakop ng parusa ang mga kanselasyong ginawa upang iwasan ang maikling biyahe, hindi kumikitang ruta, o diskriminasyon laban sa senior citizen, PWD, at iba pang kabilang sa vulnerable sector. Kasama rin ang mga kanselasyong nangyayari habang nasa biyahe na ang pasahero.

Inaatasan din ang mga transport network company na magsumite buwan-buwan ng ulat hinggil sa lahat ng uri ng kanselasyon — mula sa driver, pasahero, o sistema — at ang mga hakbang na ginawa laban sa mga driver na paulit-ulit na lumalabag. May kaparusahan din sa mga kumpanya na hindi makapagsumite ng ulat o hindi kumilos laban sa mga pasaway na driver.

Agad na ipatutupad ang memorandum matapos mailathala sa pahayagang may malawak na sirkulasyon.



(Larawan: Grab)