P961.3B budget hike ng DepEd, aprubado sa bicam
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-13 21:35:40
DISYEMBRE 13, 2025 — Pinagtibay ng bicameral conference committee ang malaking dagdag sa pondo ng Department of Education (DepEd) para sa 2026, na umabot sa kabuuang P961.3 bilyon, matapos aprubahan ang P86.8-bilyong umento mula sa orihinal na panukala. Ang desisyon ay inilabas sa unang araw ng pagbubukas na talakayan ng bicam panel hinggil sa P6.793-trilyong pambansang budget.
Ayon kay Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Suansing, chair ng House finance committee, nakatuon ang pinakamalaking bahagi ng dagdag na pondo sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, pagbili ng mga aklat at materyales, at pagpapalawak ng feeding program sa mga paaralan.
“Under the Department of Education, the total increase would be P86.8 billion from the NEP level. From P874.5 billion in the NEP to a final number of P961.3 billion,” ani Suansing.
(Sa ilalim ng Department of Education, ang kabuuang dagdag ay P86.8 bilyon mula sa NEP level. Mula P874.5 bilyon sa NEP hanggang sa final na P961.3 bilyon.)
Binanggit niya na P57.3 bilyon ang inilaan para sa basic education facilities program, na magreresulta sa pagtatayo ng hindi bababa sa 35,000 bagong silid-aralan sa 2026. Dagdag pa, P8.3 bilyon ang inilaan para sa textbooks at instructional materials, mula sa dating P11.1 bilyon patungong P19.5 bilyon, upang tugunan ang kakulangan sa mga aklat sa mga pampublikong paaralan.
Sa feeding program naman, tataas ang pondo ng P13.9 bilyon mula sa P11.7 bilyon.
“That represents an increase from 120 days to 180 days for our students,” dagdag ni Suansing.
(Ibig sabihin nito, mula 120 araw ay magiging 180 araw para sa ating mga estudyante.)
Samantala, iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian, chair ng Senate finance panel, na nananatiling 4.5 porsyento ng GDP ang nakalaan sa sektor ng edukasyon, na may kabuuang P1.37 trilyon. Kabilang sa mga tinukoy niyang prayoridad ang dagdag na pondo para sa classroom construction, pagpapalawak ng feeding program, pagtaas ng kapasidad ng State Universities and Colleges, at P1 bilyon para sa Local Government Support Fund na tutulong sa ika-4 at ika-5 klaseng munisipalidad.
Malinaw na nakatuon ang bagong budget sa pagpapalakas ng imprastraktura at suporta sa mga mag-aaral, na layong tugunan ang matagal nang kakulangan sa sektor ng edukasyon.
(Larawan: Philippine News Agency)
