Diskurso PH
Translate the website into your language:

BFP, binansagang pinaka-korap na ahensya ng DILG

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-19 14:54:15 BFP, binansagang pinaka-korap na ahensya ng DILG

DISYEMBRE 19, 2025 — Sa halip na Philippine National Police, ang Bureau of Fire Protection (BFP) ang itinuturing na pinaka-korap na ahensya sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ayon kay Secretary Jonvic Remulla.

Sa panayam sa Bilyonaryo News Channel, diretsong sinabi ni Remulla na, “The BFP is the most corrupt of all.” 

(Ang BFP ang pinaka-korap sa lahat.)

Ayon sa kalihim, natukoy na ang mga opisyal at tauhan ng BFP na sangkot sa katiwalian at sisimulan ang pagtanggal sa kanila sa Enero ng susunod na taon. Binanggit niyang ginagamit ng ilang miyembro ng ahensya ang kanilang ranggo para sa ilegal na gawain.

“Corruption in the BFP is actually more extensive than I thought. It starts from the firemen all the way to the chief,” ani Remulla. 

(Mas malawak ang korapsyon sa BFP kaysa sa inaasahan ko. Nagsisimula ito mula sa mga bumbero hanggang sa hepe.)

Isa sa pinakamabigat na iregularidad na nadiskubre ng DILG ay ang umano’y paniningil ng P500,000 sa mga aplikanteng nais makapasok sa BFP. Bukod dito, ginagamit din umano ng ilang opisyal ang inspeksyon at pagbebenta ng fire extinguishers bilang dagdag na pagkakakitaan.

Tinanggihan ni Remulla ang panukala ng BFP na gawing obligasyon ng bawat tahanan ang pagkakaroon ng fire extinguisher, dahil nakikitang ginagamit lamang ito ng mga tiwaling opisyal para kumita.

Ang pahayag ng kalihim ay nagbukas ng mas malawak na usapin hinggil sa integridad ng ahensya na pangunahing inaasahan ng publiko sa oras ng sunog. Sa halip na proteksyon, aniya, nagiging instrumento pa ito ng pang-aabuso.

Sa darating na taon, inaasahang magiging mas maigting ang hakbang ng DILG laban sa mga tiwaling opisyal ng BFP, kasabay ng pangakong lilinisin ang hanay ng ahensya upang maibalik ang tiwala ng publiko.



(Larawan: Philippine News Agency)