Driver ni Cathy Cabral itinuturing nang person of interest
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-19 14:32:51
MANILA — Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na ang driver ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral ay itinuturing nang “person of interest” kaugnay sa biglaang pagkamatay ng opisyal matapos umano’y mahulog sa bangin sa Kennon Road, Tuba, Benguet noong Huwebes ng gabi.
Sinabi ng PNP na patuloy ang imbestigasyon sa mga pangyayari bago natagpuan si Cabral na wala nang buhay sa Bued River. “The driver of former DPWH Undersecretary Catalina Cabral is now considered a person of interest following her sudden death Thursday night,” pahayag ng PNP.
Batay sa timeline na inilabas ng mga awtoridad, nakita ang sasakyan ni Cabral na nakahinto sa isang roadside stall malapit sa gasolinahan bandang alas-8 ng umaga ng Huwebes, halos 100 metro mula sa bangin kung saan siya kalaunan natagpuan.
Ayon kay Tuba Councilor Arnulfo Milo, dalawang beses pinakiusapan ng mga pulis na umalis ang sasakyan dahil nakaharang ito sa trapiko. Makalipas ang ilang oras, bumalik sina Cabral at ang driver sa lugar bandang alas-3 ng hapon, bago tuluyang maganap ang insidente.
Sa pahayag ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., iniutos niya ang masusing imbestigasyon. “I have already ordered a thorough investigation into this incident for us to have a clear picture of what happened. While there was already an initial impression regarding what happened, we should not rule out any factor until our forensic investigators are able to establish the cause,” aniya.
Kasabay nito, nagsasagawa ng joint probe ang Tuba Municipal Police, Cordillera regional police units, at National Bureau of Investigation (NBI). Kabilang sa imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at medico-legal experts. Nasa morgue sa Baguio City ang katawan ni Cabral habang hinihintay ang pahintulot ng pamilya para sa autopsy.
Si Cabral ay matagal na nagsilbi sa DPWH at kamakailan lamang ay nagbitiw sa puwesto matapos masangkot sa mga alegasyon ng iregularidad sa flood control projects. Ang kanyang pagkamatay ay nagdulot ng panawagan para sa mas malalim na imbestigasyon mula sa iba’t ibang sektor.
