Ex-DPWH chief Bonoan hindi pa rin bumabalik sa Pilipinas
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-19 17:28:22
MANILA — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na hindi pa bumabalik sa Pilipinas si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, sa kabila ng nauna niyang pangakong uuwi noong Disyembre 17 matapos magtungo sa Estados Unidos.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, “Records show that he has not returned to the Philippines to date, despite indicating Dec. 17, 2025 as his return date in his letter, through counsel, on Nov. 10, 2025.” Dagdag pa niya, walang anumang tala ng pagdating ni Bonoan sa alinmang port of entry sa bansa hanggang Disyembre 18.
Si Bonoan ay umalis ng Pilipinas noong Nobyembre 11, 2025, dumaan sa Taiwan bago tumuloy sa Estados Unidos, umano’y upang samahan ang kanyang asawa sa isang medical procedure.
Gayunman, siya ay subject ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) dahil sa pagkakadawit sa mga umano’y anomalya sa flood control projects, kabilang ang ₱72.3-milyong flood control project sa Plaridel, Bulacan na tinukoy ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para imbestigahan ng Ombudsman.
Matatandaang nagbitiw si Bonoan sa puwesto sa gitna ng kontrobersya kaugnay sa mga “ghost” flood control projects. Ang ICI ay nagrekomenda na sampahan siya ng mga kasong administratibo at imbestigahan pa ang iba pang dating opisyal ng DPWH na sangkot sa naturang proyekto.
Sa ngayon, nananatiling wala pang pahayag mula kay Bonoan o sa kanyang kampo hinggil sa hindi niya pagtupad sa itinakdang pagbabalik sa bansa. Patuloy namang binabantayan ng BI at iba pang ahensya ang sitwasyon, lalo’t may mga nakabinbing imbestigasyon laban sa kanya.
